Posts Tagged ‘Isaiah’

h1

Jeka…Sino Ka Man…Para ito sa iyo!

April 9, 2011

Abril 6, 2011 – Miyerkules, alas dos nang hapon, sa harap ng Bibingkinitan sa food court na nasa basement ng Shangrila Plaza ay naupo ako sa may nag-iisang bakanteng lamesa na may mga silyang bakante rin syempre. Meeting place namin yun ng kausap kong kaibigan na super relihiyosa — para konsultahin sa isang problemang di ko kayang solusyunang mag-isa — legal ang nature at kaya sya ang tinawagan ko ay dahil abogada sya. Tatlong uri raw ang problema at naniniwala ako doon: 1) problemang kaya nating solusyunang mag-isa; 2) problemang kailangan natin ang tulong ng iba, at 3) problemang di na natin kakayanin dahil sa bigat, kaya ipasa na lang nating kay Lord ang burden [kaya di dapat magsuicide!!!!]. Malinaw, nasa pangalawang kategorya ang problema ko kaya ako nandun.

Pag-upo ko ay nasa lamesa pa ang tray ng mga pinagkainan ng sinundan ko, at di pa nakokolekta ng tagalinis. Kasama ng mga ito ay napansin ko ang isang table napkin na may nakasulat. Nung una, ang nasa isip ko ay para yun sa nang-indyan siguro sa nagsulat kaya nag-iwan na lang ng message dahil hindi na sya makahintay…pero nang tingnan ko nang malapitan ay mukhang generic ang pagka-address: Hi! Ako si Jeka! Salamat sa pagpansin nito ha—

Dahil sa curiosity, binasa ko ang nilalaman habang hinihintay ang kaibigan ko na nahuli sa usapan naming oras. Nang matapos kong basahin, ako’y napangiti, sobrang natuwa para sa nagsulat nito. Iniscan ko para mai-share ko na rin sa inyo at para malaman nyo kung bakit. Ewan ko nga lang kung pareho ang dating ng nilalaman nito sa inyo. May impact kaya ito sa inyo?

Pagkabasa, binaligtad ko agad ang napkin dahil baka nag-iwan ng cel number, kaso wala. Itetext ko sana sya para icongratulate…saka para sabihing damang-dama ko ang tuwa nya. Tagos sa puso ko ang saya nya. Sa puntong ito, dumating ang aking kaibigan. Ipinabasa ko sa kanya ang sulat. At habang nagbabasa, sinabi nya: “naiiyak naman ako”…at yun ay dahil sa may paborito raw syang mga linya na galing sa Bibliya, sa Isaiah [di ko natandaan yung sinabi nyang berso]: “Wag tayong matakot dahil kasama natin Sya parati.” Nang matapos ang consultation ko sa kanya nabalik ang usapan sa sulat. Sabi nya sa akin: “Para ito sa iyo, kasi may problema ka…”Fight lang ng Fight” sabi dito. ” Saka dito ka naupo kaya nabasa mo, kaya para sa iyo ito.”

Sabi ko: Oo nga ano?? In the first place, ilang buwan na kaming di nagmimit ng friend ko. At first time ko sa may Bibingkinitan…”Iiwan mo ba ito?” tanong sa akin ng friend ko. “Hindi!” sabi ko naman.  “Itatapon lang yan” sabi naming pareho, “kaya itago na lang natin.” Kaya heto, sana makishare na rin kayo sa tuwa namin para kay Jeka. Oo nga pala! Nagtext pa ang kaibigan ko kinagabihan nang magkita kami para humingi ng scanned copy ng sulat…ganon ang impact sa kanya ng sulat…

Kaya Jeka, sino ka man, ipinaalam namin sa iyo kung gaano talaga kami kasaya para sa iyo. Congratulations!! Sana from OJT status, tumuloy-tuloy ka na!

Advertisement